PAGTATAYO NG 3 PANG CAMPUS NG UEP SA NORTHERN SAMAR APRUB NA SA KAMARA
INAPRUBAHAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa pagtatayo ng tatlo pang campus ng University of Eastern Philippines sa tatlong munisipalidad ng Northern Samar.
Ang House Bill 7879 na isinulong nina Reps. Paul Daza, Mark Go at Eric Go Yap ay naglalayong magtayo ng dagdag na campus ng UEP sa mga munisipalidad ng Allen, Victoria at Lavezares.
Magkakaloob ang mga campus ng short-term, technical-vocational, undergraduate at graduate courses sa kanilang mga area of competency at specialization.
Mandato rin ng UEP-Allen Campus, UEP-Victoria Campus at UEP-Lavezares Campus na magsagawa ng research at extension services.
Ang tatlong campus ay pamumunuan ng mga campus director na may fulltime service at itatalaga ng board batay na rin sa rekomendasyon ng search committee at ng pangulo ng unibersidad.
Nakasaad din sa panukala na ang lahat ng lupa ng gobyerno na ookupahan ng UEP-Allen Campus, UEP-Victoria Campus at UEP-Lavezares Campus ay idedeklarang pag-aari ng unibersidad.
“That should the University cease to exist or be abolished, or shoudl such aforementioned parcels of land be no longer needed by the University, the same shall revert to the concerned LGUs or to the Republic of the Philippines, as the case may be,” nakasad sa panukala.
Ang inaprubahang panukala ay isinumite na sa Senado para sa approval nito.