Nation

PAGTAPYAS SA PONDO NG NATIONAL BROADBAND PROJECT KINUWESTIYON NG LADY SENATOR

/ 11 December 2020

NABABAHALA si Senadora Grace Poe sa inirekomenda nilang pondo para sa pagsusulong ng national broadband program ng Department of Information and Communcations Technology sa gitna ng pagpapatupad ng ‘new normal‘, partikular sa pag-aaral dahil sa Covid19 pandemic.

Sinabi ni Poe, vice chairperson ng Senate Finance Committee at isa sa nagsulong na mabigyan ng P5.9 bilyong pondo ang programa mula sa inilaang P900 milyon sa ilalim ng National Expenditure Program, na bukod sa kapakinabangan ng mga estudyante, makatitipid din ang mga ahensiya ng pamahalaan sa programa para sa kanilang internet subscription.

Subalit pagdating sa inaprubahang pondo ng bicameral conference committee, tinapyasan ito at ginawang P1.8 bilyon.

“Noong nagkaroon na ng bicam medyo nalungkot kami kasi narinig namin ginawa nilang P1.8 billion, so binawasan,” pahayag ni Poe.

Iginiit ni Poe na malaking tulong ang programa para sa mga estudyante at guro upang magkaroon ng maayos at murang internet connection sa gitna ng umiiral na distance/online learning.

“Makikinabang din sana ang ibang schools na hindi maka-afford na magkaroon ng connection, ang ibang mga teacher masasama natin doon,” dagdag ni Poe.

Aminado si Poe na nagtataka rin siya sa naging desisyon ng mga mambabatas gayong sila rin naman ay makikinabang sa national broadband project.

“Kaya nga, alam mo minsan nag-iisip ako dahil siyempre, mga kapwa mambabatas din naman ang aming kasama doon kaso kung hindi ipaprayoridad ‘yun lahat naman kami ginagamit namin ang internet, may mga anak din kami na nakadepende doon,” pagbibigay-diin niya.

Una na ring kinuwestiyon ni Senador Panfilo Lacson ang naging desisyon ng bciam committee na binawasan ang pondo sa broadband project subalit dinagdagan ang alokasyon sa Department of Public Works and Highways.