Nation

PAGTANGGAL NG SCHOLARSHIP SA MGA ESTUDYANTE INALMAHAN NG SPARK

/ 13 January 2021

IGINIIT ng Samahan ng Progresibong Kabataan na hindi dapat alisin ang scholarship sa mga estudyante sa panahon ng pandemya.

“Nananawagan ang SPARK na dapat ay walang mangyayaring tanggalan ng scholarship, at hindi dapat galawin ng administrasyon ng mga unibersidad at iba pang mga paaralan ang mga pamantayan sa scholarship lalo na kung ang mga pagbabago ay walang konsultasyon sa mismong mga estudyante, pamilya, at mga guro,” pahayag ng grupo.

Ito ay matapos na naglabasan ang mga report ukol sa umano’y pagtanggal ng scholarship sa mga estudyante ng Far Eastern University, University of the East at University of Santo Tomas.

Dagdag pa ng grupo, hindi dahilan ang pandemya upang itigil o bawasan ang scholarship sa mga estudyante, bagkus ito ay dapat mas paigtingin dahil kailangan ito para magpatuloy ang edukasyon.

“Lalong-lalo na may pandemya, ginagamit dapat ang scholarships ng mga unibersidad para makatulong sa mga estudyante na naapektuhan ng pandemya para masiguro ang karapatan sa edukasyon ng bawat mag-aral —  ngunit kabaliktaran ang nangyayari.”

“Kahit may pandemya o wala, ang edukasyon ay karapatan para sa lahat ng estudyante. Kung ginawa naman ng estudyante ang kanyang makakaya para mabigyan ng scholarship, kahit sa anumang panahon, hindi dapat dayain at baguhin ng mga administrasyon ang sistema ng pagkamit ng scholarship ng dahil lamang sa pagnanais ng mas malaking tubo ng mga kapitalista-edukador,” dagdag pa nito.

Hinikayat naman ng SPARK ang mga kapwa nito estudyante na patuloy na manindigan at huwag matakot na igiit ang karapatan sa edukasyon.

“Sama-sama tayong makibaka hanggang makamit ang isang lipunan kung saan ang edukasyon ay tunay na libre, ligtas, abot-kaya, at dekalidad!”