Nation

PAGTALAGA SA DEPED SECRETARY BILANG ‘KATUWANG’ NG PASIG VS COVID19 KINASTIGO

/ 15 August 2020

BINATIKOS  ng batikang manunulat at dating Komisyoner ng mga Wikang Samar-Leyte ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Jerry Gracio ang pagtatalaga ng Inter-Agency Task Force kay Education Secretary Leonor Briones bilang ‘katuwang’ ni Pasig Mayor Vico Sotto sa mga lokal na operasyon ng lungsod kontra Covid19.

Ayon sa tweet ni Gracio, “ba’t ia-assign pa sila sa LGU, e di na nga magawa ng cabinet secretaries trabaho nila? Liling Briones for Pasig, e di nga niya maayos ang DepEd.”

Ito ay matapos na ilabas ng IATF ang Resolusyon Blg 62 na nagsasabing kailangan ng mga lokal na pamahalaan ng karagdagang gabay at suporta para mapabuti ang kani-kanilang hakbang ngayong mas lumalala pa ang pandemya sa Metro Manila.

Si Briones ang itinalaga sa Lungsod ng Pasig na inalmahan ng kalakhang netizens. Maraming nagsasabing hindi na nga mapulido ng DepEd ang paparating na pasukan ngayong Agosto ay dinagdagan pa siya ng trabahong hindi rin naman niya malulutas. Para pa nga kay Gracio, baka si Briones ang nangangailangan ng tulong mula kay Sotto “para hind maging tone-deaf ang lola mo.”

Hinataw niya rin ng kritisismo si Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera.

“Tas si Prospero de Vera, in-assign sa Marikina at Malabon? E, ‘di nga niya maayos ang CHED. Jusko, ibalik muna niya ang Filipino subjects sa college!,” wika niya.

Sa huli, sinabi niya ring para “mas maging maayos pa buhay natin, baka kailangang mga mayor ang tululong sa mga cabinet secretary. Si Sotto kay Tugade, Gatchalian kay Briones, at Teodoro kay Duque.”