Nation

PAGSISIMULA NG SY 2021-2022 ‘WAG MADALIIN — SEN. GO

/ 2 May 2021

NILINAW ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na hindi pa tiyak ang pagbubukas ng klase para sa Academic Year 2021-2022 sa Agosto 23.

Sinabi ni Go na nasa kamay pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon sa petsa ng pagbubukas ng klase.

“Hindi pa naman sigurado ‘yan dahil for approval pa po ‘yan ng IATF at ng Pangulo,” pahayag ni Go.

Kasabay nito, sinabi ni Go na kung siya ang masusunod ay mas makabubuting huwag madaliin ang pagbubukas ng klase.

“Ako naman po huwag po tayo masyadong magmadali. Bigyan natin ng kaunting espasyo ang ating mga guro dahil mahirap po sa panahong ito kapag mayroon pong nagpositibo na isang guro o estudyante ay mahihirapan na naman tayo sa contact tracing dahil nakapokus ngayon sa pagbabakuna,” diin ng senador.

Kasabay nito, iginiit ng mambabatas na dapat mabigyan ng pahinga ang mga guro upang makapag-adjust din sila sa bagong sistemang ipinatutupad sa distance learning.

“Iwasan po natin na may magkahawahan, bigyan muna natin ng kaunting space ang mga guro na makapagpahinga o makapag-adjust muna dahil alam nating hirap na hirap sila sa pag-aadjust sa ating new learning system via virtual,” paliwanag ni Go.

Muling iginiit ng senador na hindi siya sang-ayon sa face-to-face classes habang hindi natatapos ang pagbabakuna sa mayorya ng populasyon.

“Ako naman po hindi rin ako sasang-ayon sa face-to-face classes hanggang ‘di nababakunahan ang majority ng population, alam naman natin na may new strain ng virus na pati bata tinatamaan, so unahin natin ang kalusugan ng bawat bata, bawat Filipino before anything else,” dagdag pa ni Go.