PAGSISIMULA NG SY 2021-2022 SA SETYEMBRE PA?
NANINIWALA si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairperson Sherwin Gatchalian na posibleng umabot pa sa Setyembre ang pagbubukas ng klase para sa Academic Year 2021-2022.
Ipinaalala ni Gatchalian na mayroon nang batas na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo upang i-adjust ang school opening.
“Actually, mayroon tayong ipinasa na batas na nagbigay ng kapangyarihan sa ating Pangulo na mag-set ng school opening. ‘Yan po ay naging batas na. So puwede niyang i-delay ito kung kailangan dahil nga sa sitwasyon ngayon,” pahayag ni Gatchalian.
“Pero napakahirap talaga ng sitwasyon dahil nagkaroon tayo ng surge at dahil dito sa surge ay hindi na natuloy ang face-to-face classes. Ang nakikita ko diyan na pagbubukas ng klase ay sometime around August, September. Siguro pinakahuli na is September,” dagdag ng mambabatas.
Muli ring binuhay ni Gatchalian ang panawagan sa lahat ng paaralan na mag-adjust at paghandaan pa rin ang posibilidad ng face-to-face classes.
“Kung ako ang tatanungin, itinutulak ko pa rin ang mga lugar na walang Covid, mga lugar na MGCQ, mga lugar na tinatawag nating low risk ay magkaroon na sila ng pilot testing ng face-to/face,” giit ng senador.
Subalit aminado ang mambabatas na sa NCR Plus bubble ay malabo pa ang face-to-face classes bunsod ng mataas pa ring kaso ng Covid19.
“Nakikita ko sa mga lugar tulad ng NCR, tulad ng Greater Metro Manila, ito ay tingin ko hindi pa kakayanin talaga ang face-to-face. Iba’t ibang parte ng ating bansa, iba’t ibang sitwasyon at dapat mag-adjust tayo para makabalik sa pag-aaral ang ating kabataan,” dagdag pa ni Gatchalian