Nation

PAGSASAGAWA NG LIMITADONG FACE-TO-FACE CLASSES PINABIBILISAN NG MGA SENADOR

/ 26 August 2021

DISMAYADO ang ilang senador sa kabagalan ng Department of Education sa pagsusulong ng limitadong face-to-face classes sa lugar na may mababang kaso ng Covid19.

Ito ay kasunod ng ulat ng United Nations Children’s Fund na nagsasaad na isa ang Pilipinas sa limang bansa sa mundo na hindi pa rin nagbubukas ng mga paaralan na nakaaapekto sa mahigit 27 milyong estudyanteng Pinoy.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, sinabi ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang joint circular sa pagitan ng DepEd at ng Department of Health para sa mga patakaran sa pilot test.

Inaasahang lalabas ang circular sa susunod na linggo.

Tinaya ni Malaluan na nasa 100 paaralan ang posibleng makiisa sa dry run ng pilot testing ng face-to-face mula September hanggang October.

Gayunman, nilinaw ng opisyal na kailangan pa rin ng approval ni Pangulong Rodrigo Duterte bago tuluyang maisakatuparan ang dry run.

Tinanong naman nina Senadora Nancy Binay at Pia Cayetano ang DepEd kung hindi nila nabibigyan ng sapat na detalye si Pangulong Rodrigo Duterte kaya hindi nito pinapayagan ang pilot test.

“We’re not saying wala kayong effort, we’re just saying hindi namin nakikita. So may worry kami, concern kami na nakaka-rally ba kayo in the way that other government agencies are rallying for their constituents?” pahayag ni Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na kung 100 eskuwelahan lamang ang makikiisa  sa dry run sa susunod na buwan ay mabagal pa rin ito at magiging huli pa rin ang Pilipinas.

Binigyang-diin ni Malaluan na hindi pa nila natatalakay ang pinakahuli nilang guidelines kay Pangulong Duterte kaya iginiit ni Binay na hindi niya nararamdaman ang sense of urgency.

“Kung hindi niya alam kung ano ba iyong i-implement ninyo, talagang paulit-ulit na sasabihin ni Presidente na no classes… Sa tingin ko ang perception ng Presidente, it will be the same type of opening of classes, which is not the case,” diin ni Binay.

“Why wait for the next IATF meeting, why wait for the next Cabinet meeting? The Secretary of Education can just probably set an appointment with the President,” dagdag ng senadora.