PAGSABAK SA MGA GURO SA PAGBABAKUNA INALMAHAN NG SOLON
INALMAHAN ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang plano ni Health Secretary Francisco Duque III na gawing bahagi ng Covid19 vaccination teams ang mga guro, kahit na ito ay boluntaryo lamang.
Sinabi ni Castro na ipinapahamak lamang ni Duque ang mga guro at hindi iniisip ang kapakanan ng mga ito.
“Placing teachers as part of the vaccination team? What an awful plan coming from the health secretary. Sec. Duque must know who should be capable of administering the vaccines for the coronavirus disease. Without the slightest hint of hesitation, he will put the teachers vulnerable to cases of illegal practice,” pahayag ni Castro.
Ipinaliwanag ng kongresista na mahalaga ang papel ng mga guro sa pagpapaunawa ng kahalagahan ng bakuna lalo na sa panahong ito subalit maraming dapat ikonsidera sa pagbabakuna.
Sinabi ni Castro na alam dapat ng kalihim na sa pagbabakuna, dapat alam ang history ng binabakunahan, pag-assess sa kalagayan ng babakunahan at iba pang salik na tanging eksperto sa usaping ito ang makagagawa.
“Hindi man lang naisip ni Sec. Duque na ilalagay niya sa kapahamakan ang mga babakunahan, hindi lang ito basta usapin ng pag-iinject, kalusugan at buhay ang nakasalang dito,” diin pa ng mambabatas.
“Imbes na panghawakan ang posisyon bilang pinuno ng Kagawaran ng Kalusugan, nag-aastang negosyante at pagtitipid na naman ang nasa isip nitong si. Sec. Duque,” dagdag pa ni Castro.
Iminungkahi ng mambabatas na kumuha ng trained experts, nurses at may background sa medical field na magbabakuna sa mamamayan at hindi basta-basta kukuha na lang ng grupo at isasama sa vaccination team.