Nation

PAGPATAY SA GRADE 6 LUMAD STUDENT, 2 PA KINONDENA

/ 18 June 2021

MARIING kinondena ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat ang pagpatay sa tatlong Lumad-Manobo, kabilang ang isang Grade 6 student, sa Lianga, Surigao del Sur.

Sa impormasyon ni Cullamat, mga miyembro ng 3rd Special Forces Battalion ng Philippine Army ang nasa likod ng masaker.

“Mariin kong kinokondena ang pagpaslang na ito sa mga Lumad ng Lianga. Kagyat kaming nanawagan ng agarang imbestigasyon sa panibagong masaker na ito at ng hustisya para sa mga biktima dulot ng karahasan ng estado,” sabi ni Cullamat.

Kabilang sa mga biktima ay si Angel Rivas, isang Grade 6 student sa Tribal Filipino Program of Surigao del Sur Lumad School, na natagpuan ang bangkay kasama ang dalawa pang biktima na binaboy umano at winasak ang ari.

Kinilala ang dalawa pang kasama ng estudyante na sina Willie Rodriguez at Levie Rivas.

“Sa gitna ng krisis pangkalusugan at pandemya, inuuna ng rehimeng Duterte ang pagsusulong ng kanilang pansarili at ‘di makataong mga interes. Noon pa man ay nagsasabwatan na ang gobyerno at malalaking negosyo upang mangamkam ng lupang ninuno ng mga katutubo.  Pero ang pagpatay sa aming mga katribo ay ibang usapin — gawain ito ng mga diablo. Ang pagkunsinti dito at hindi pagpapanagot sa mga mamamatay tao ay wala ring pinag-iba,” diin ni Cullamat.

Pinalalabas umano ng militar na ang mga ito ay NPA child soldiers upang bigyang-katuwiran ang kanilang ginawa.

“Anim na taon na ang lumipas nang una naming sapitin ang masaker sa Lianga noong September 1, 2015.  Hanggang ngayon ay wala pa ring hustisyang nakakamit ang mga kaanak at ang buong komunidad ng mga Lumad sa Lianga sa masaker na ito. Sa halip, patuloy ang panghaharas na nararanasan ng aming mga katribo.   Lantaran kung kami ay babuyin at harap-harapang inaapakan ang aming karapatang pantao gamit ang dahas ng estado,” dagdag pa ng mambabatas.