PAGPASOK NG INTEL OPERATIVES SA BAKWIT SCHOOL SA UP DILIMAN INALMAHAN
KINONDENA ni Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat ang pagpasok ng mga awtoridad sa Bakwit School sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City.
Sinabi ni Cullamat na naganap ang insidente noong October 11 sa gitna ng paghahanap sa Manobo leader na si Bai Bibyaon at kay Save Our Schools Network Mindanao Spokesperson Ruis Valle.
“Kung nabalitaan natin, kamakailan lang ay sapilitang pinapipirma ng mga militar ang pamilya ni Bai Bibyaon para siya ay makuha mula sa kanyang sanktwaryo,” pahayag pa ni Cullamat.
“Mariin nating kinokondena itong bagong atake sa Lumad Bakwit School at kay Bai Bibyaon,” pagbibigay-diin ng kongresista.
Ang 80-anyos na Manolo leader at isang environmentalist ay nanatili sa Bakwit Lumad School sa UP Diliman dahil sa umano’y panggigipit ng militar sa kanya sa Mindanao.
Nanindigan ito na ipagpapatuloy ang kanyang krusada na proteksiyunan ang kanilang ancestral domain at culture.
“Ngayong Oktubre ay buwan ng mga katutubo, pero dahil sa maling pag-iisip sa mga nasa kapangyarihan, tunay na hindi pa rin kinikilala ng estado ang karapatan ng mga pambansang minorya para sa sariling pagpapasiya,” dagdag pa ni Cullamat.