PAGPAPATUPAD SA DOKTOR PARA SA BAYAN ACT TINIYAK NG CHED
TINIYAK ni Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera III na maipatutupad nila ang Doktor Para sa Bayan Act sa nalalabing tatlong buwan ng taon.
Sa hearing ng Senado para sa panukalang 2022 budget ng CHED, sinabi ni De Vera na naipalabas na ng Department of Budget and Management ang pondo para sa medical scholarship na una nang tinukoy na ‘for later release’ sa ilalim ng 2021 budget.
Sinabi ni De Vera na P150 milyon ang inilaan para sa grants sa medical institutions habang P250 milyon para sa medical scholars.
Tiniyak din ng opisyal na natukoy na nila ang lahat ng unibersidad na saklaw ng batas.
“We can implement it in the last three months of the year. We give the assurance to the Senate that this can be implemented,” pahayag ni De Vera.
Sa pagtatanong ni Senador Joel Villanueva, nilinaw ni De Vera na sa ngayon ay magkabukod ang medical scholarship na ipinatutupad ng CHED at Department of Health.
Ipinaliwanag pa ni De Vera na natagalan sila sa pagbalangkas ng implementing rules and regulations dahil pinag-aralan nila kung paano mapagsasama ang scholarship program ng dalawang ahensiya.
“Challenging aspect for IRR is how to put scholarships together. Especially with the private universities because the rates are different. Hindi madaling desisyunan ‘yan,” diin pa ni De Vera.
Sa computation ng CHED, ang ilalaang budget para sa Private Higher Educational Institution para sa medical scholarship ay kabibilangan ng P105,000 para sa tuition bukod pa sa allowances na nakapaloob sa batas.