PAGPAPATIGIL SA ‘NO PERMIT, NO EXAM’ POLICY SUPORTADO NG COCOPEA
WALANG nakikitang problema ang Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines o COCOPEA sa panukalang itigil ang pagpapatupad ng ‘no permit, no exam’ policy.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, ipinaalala ni COCOPEA President Antonio del Carmen na hindi katulad ng mga pampublikong paaralan, ang mga pribadong eskwelahan ay umaasa sa matrikula ng mga estudyante para sa kanilang operasyon.
Sinabi ni Del Carmen na maaari silang maging maluwag sa pagkokonsidera sa karapatan ng kabataan sa edukasyon subalit kailangan din aniyang kilalanin ng mga magulang at estudyante na ang enrollment ay kontrata sa paaralan.
Nilinaw rin ni Del Carmen na karamihan sa mga paaralan ay tumatanggap naman ng promissory note para makapag-exam pa rin ang mga estudyante kahit hindi bayad ang matrikula.
Sinabi naman ni Committee chairman Francis Escudero na maaari namang sa ibang bagay bumawi ang paaralan sa mga hindi nakakabayad ng matrikula at huwag sa examination.
Binigyang-diin ni Escudero na sa halip pigilan makapag-exam ay maaaring i-hold na lamang ng mga guro o paaralan ang grades o clearances o diploma ng mga estudyante na hindi pa nakakabayad ng obligasyon.
Hindi naman pabor si Escudero sa panukalang parusahan din ang guro na hindi magbibigay permiso sa mga estudyante na makapag-exam dahil hindi nakabayad ng tuition.
Iginiit ng senador na ang paaralan at hindi ang guro ang kadalasang nagpapatupad ng polisiya.