Nation

PAGPAPATIBAY SA TAX EXEMPTION SA EDUCATIONAL INSTITUTIONS ISINUSULONG

/ 6 January 2021

ISINUSULONG ni Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II ang panukala na magpapatibay sa exemption ng mga educational institution sa pagbabayad ng buwis.

Sa kanyang House Bill 1612, nais ni Gonzales na amyendahan ang ilang probisyon sa National Internal Revenue Code of the Philippines upang kilalanin at pagtibayin ang tax exemptions sa mga educational institution.

Ipinaliwanag ni Gonzales na sa pagbalangkas ng 1987 Constitution, tinatalakay na ang posibleng problema ng mga pribadong educational institution para mapanatili ang mass quality education.

Ito ang dahilan kaya sa ilalim ng Article 14 ng Saligang Batas, isinasaad na ‘all revenues and assets of non-stock, non-profit educational institutions used actually, directly and exclusively for educational purposes shall exempy from tax duties.”

Layon nito na mapanatili ang democratic choice ng mga estudyante, matulungan ang mga educational institution at maging abot-kaya ang dekalidad na edukasyon para sa lahat.

Gayunman, naglabas ang Department of Finance ng Department Order noong December 16, 1987 na nagtatakda ng regulasyon para makuha ng educational institutions ang tax exemptions.

“The department order provided that in order to avail of the exemption, all revenues and assets aside from being actually, directly and exclusively used for educational purposes must also be derived in pursuance of their primary purpose,” pahayag ni Gonzales sa kanyang explanatory note na para sa kanya ay nagpahina sa probisyon sa Saligang Batas para sa tax exemption.

Alinsunod sa panukala, ie-exempt sa pagbabayad ng tax ang mga proprietary educational institution sa kanilang mga kinita at mga asset na ginagamit sa educational purposes mula man o hindi sa pagsusulong ng kanilang primary purpose.

Ang proprietary educational institution ay isang private school na minamantina at pinamumunuan ng pribadong indibidwal o grupo na pinagkalooban ng permit to operate ng Department of Education o ng Commission on Higher Education o ng Technical Education and Skills Development Authority.