PAGPAPALIT NG SCHOOL CALENDAR IBATAY SA DATOS AT SIYENSIYA — SOLON
KAILANGANG nakabatay sa datos at siyensiya ang anumang desisyon na may kinalaman sa pagpapalit ng school calendar.
Ito ang binigyang-diin ni Pasig City Rep. Roman Romulo sa gitna ng mga panawagang ibalik na ang pasukan sa buwan ng Hunyo upang bakasyon ang mga estudyante tuwing summer season.
“Ang Pilipinas ay may dalawang season – tag-ulan at tag-init. Kailangan pag aralan ng DepEd ang datos kung saan mas apektado ang kalusugan at pag aaral ng bawat mag aaral at guro — sa panahon ng tag-init o panahon ng tag-ulan. Ang mahalaga ligtas ang mag aaral at guro habang sinisigurado natin ang paghatid ng kalidad na edukasyon sa bawat paaralan,” pahayag ng kongresista sa Viber message sa The POST.
“‘Pag ganitong panahon, sa init ng klima, may mga pagkakataon na ang kalusugan ng magaaral at guro ay puede ma apektuhan. Pag tag-ulan, pag may baha o malakas na ulan, nalalagay din sa alanganin ang kalusugan at kaligtasan ng mag aaral at guro,” paliwanag pa ni Romulo.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat tingnan ang datos at base sa datos, magdesisyon ang executive department.
“Kung ano man ang maging desisyon base sa datos, dapat pro active at praktikal mag hanap ng solusyon ang DepEd, mga superintendent, principal, guro at mga magulang dahil ano man season ang masakop ng academic calendar may kaakibat na challenges,” dagdag ng mambabatas.
Kasabay nito, hinimok ni Romulo ang Department of Public Works and Highways na tumulong sa paraan ng pagdidisenyo ng school buildings na kapag tag-init ay may proper ventilation habang kapag tag-ulan, ligtas ang mga mag-aaral at guro sa malakas na ulan o baha.