PAGPAPALAWIG SA SUBSIDIYA SA BASIC EDUCATION LUSOT NA SA HOUSE PANEL
INAPRUBAHAN na ng House Committee on Basic Education and Culture ang panukala para palawigin ang sakop ng voucher system o subsidiya sa basic education.
Sa virtual hearing ng komite, sa pangunguna ni Cong. Roman Romulo, nagkasundo ang mga miyembro na aprubahan na ang binuong substitute bill ng technical working group para sa pinagsama-samang House Bils 3781, 7635 at 7667.
Alinsunod sa mga panukala, aamyendahan ang Republic Act 8545 o ang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act.
Nais ng mga kongresista na saklawin na rin ng tulong o voucher system ang mga kinder at elementary student bukod sa mga mag-aaral sa high schools at vocational at technical courses.
Bukod dito, ipinasasama rin sa in-service training fund ang mga guro sa elementary schools, hindi lamang sa high schools.
Sa kasalukuyan, saklaw ng E-GASTPE Act ang mga estudyante mula Grade 7 hanggang Grade 12 o ang mga nasa Junior at Senior High School
Aminado naman ang ilang kongresista na masyadong maliit ang P9,000 hanggang P13,000 na halaga ng subsidiya sa mga estudyante.
Sinabi ni Romulo na nasa P30,000 hanggang P50,000 na ang matrikula sa mga pribadong paaralan kaya posibleng marami rin ang hindi makapag-avail ng programa.
Dahil dito, nangako ang komite na pag-aaralan na itaas pa ang ibinibigay na subsidiya at pondohan din ang probisyon sa batas na magbigay ng textbook subsidy, depende sa pondong available.
“Maganda ang batas, pero kung hindi rin naman natin popondohan, ganoon din. Kasi katulad ng Magna Carta for Teachers kung hindi naman pinopondohan nang maayos, wala rin,” pahayag ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.
Nangako naman si Cong. Rufus Rodriguez na pagdating ng budget hearings ay isusulong niya ang dagdag na pondo para sa programa.
Sa datos ng Department of Education, para sa Academic Year 2020-2021 ay nasa P33.7 billion ang pondo sa voucher system na sumasaklaw sa 2.177 milyong Grade 7 hanggang 12.