PAGPAPALAWIG SA DEKALIDAD NA SERBISYO NG CEBU TECHNICAL UNIVERSITY APRUB NA SA HOUSE PANEL
INAPRUBAHAN na ng House Committee on Higher and Technical Education ang panukala na gawing satellite campus ng Cebu Technological University ang isang community college.
Sa pagdinig ng komite na pinangungunahan ni Baguio City Rep. Mark Go, nagkasundo ang mga miyembro na aprubahan ang House Bill 7194 na naglalayong gawing satellite campus ng CTU ang Consolacion Community College sa bayan ng Consoloacion, sa Cebu.
Ang panukala na inihain ni Cebu 6th District Rep. Emmarie ‘Lolypop’ Ouano-Dizon ay naglalayong palawigin ang dekalidad na serbisyo ng institusyon at isaayos ang school facilities at equipment para sa mga estudyante.
“By integrating CCC as one of the campuses of CTU, it will surely provide a positive socio-economic impact and benefit the less fortunate students to attain college education with a lesser cost,” pahayag ni Ouano-Dizon sa kanyang explanatory note.
Ipinaliwanag din ng kongresista na ang CCC na itinatag noong 2008 ay nagsisilbing tuntungan ng lahat ng mga estudyante para sa kanilang mga pangarap.
Naniniwala ang mambabatas na kung magiging isa sa mga campus ng CTU ang CCC, mas marami ang matutulungang mahihirap na estudyante upang makatapos ng college education.
Sa pagdinig, inihayag din ng kinatawan na suportado ng lokal na pamahalaan ng Consolacion ang panukala na sa katunayan ay ibinatay nila sa kahiligan ng munisipyo.
Sa Resolution 446 ng munisipyo, hinikayat si Ouano na isulong ang panukala na suportado rin ng CTU.