Nation

PAGLUWAG SA AGE RESTRICTIONS SA MGCQ AREAS PINALAGAN NI SEN. GO

/ 26 January 2021

NANAWAGAN si Senador Bong Go sa InterAgency Task Force na muling pag-aralan ang desisyon nito na payagan nang lumabas ang mga may edad 10-14 sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general quarantine simula sa Pebrero 1.

“Huwag muna tayong magkumpiyansa, lalo na pagdating sa kalusugan ng mga kabataan dahil delikado pa po. Responsibilidad nating proteksiyunan sila. Sa lahat ng desisyon natin, isaalang-alang natin palagi ang buhay at kapakanan ng bawat Filipino,” pahayag ni Go.

“Kung hindi naman po kailangan, huwag munang payagang lumabas ng bahay ang mga bata dahil delikado pa po ang sitwasyon. Hilaw pa at maaga pa para luwagan. Bakit naman tayo magmamadali, eh hindi pa nga nakapag-umpisang magbakuna? Kung magluluwag tayo ng patakaran ngayon, tapos tataas naman ang kaso, mas mahihirapan po tayo,” diin pa ng senador.

Iginiit ni Go na dahil sa balitang may 16 na bagong kaso ng UK variant sa bansa, kailangan na mas paigtingin pa ang health protocols.

Sinabi ni Go na tatlo sa bagong kaso ay menor de edad at ang pinakabata ay limang taong gulang lamang.

“I am asking authorities to further strengthen the enforcement of health protocols, especially in public areas. Sa mga kababayan natin, mag-ingat po tayo at sumunod tayo sa ating gobyerno. Magsuot parati ng face mask, face shield, mag-social distancing, maghugas ng ating kamay, at huwag munang lumabas ng bahay kung hindi naman po kailangan,” dagdag ni Go.

“Habang sinisigurado ng ating gobyerno na magkakaroon ng sapat, ligtas at epektibong bakuna para sa lahat, kaunting tiis lang po, mga kababayan ko. Patuloy po tayong magbayanihan. Ang simpleng mga patakaran na ito, kung susundin, ay makapagliligtas ng buhay ng kapwa nating Filipino,” dagdag pa niya.