PAGLOBO NG KASO NG TEENAGE PREGNANCY BUBUSISIIN SA SENADO
ISA pang resolusyon ang inihain sa Senado upang bigyang atensiyon ang dumaraming kaso ng adolescent pregnancy sa bansa.
Sa Senate Resolution 650, nais ni Senadora Nancy Binay na magsagawa ng inquiry in aid of legislation ang kaukulang komite sa Senado kaugnay sa nakaaalarmang pagtaas ng teenage pregnancy.
Binanggit ni Binay sa kanyang resolution ang report ng Philippine Statistics Authority hinggil sa panganganak ng ilang 10 taong gulang mula sa National Capital Region at Calabarzon Region.
Tinukoy rin ng senadora ang pahayag ni Commission on Population and Development NCR Director Lydio Espanol Jr. na nakababahala na ang kaso ng pagbubuntis sa mga minor dahil nagdudulot ito ng panganib sa kalusugan ng ina at maging ng sanggol.
Sa datos ng PSA, tumaas ng pitong porsiyento ang bilang ng Filipino minors na may edad 14 pababa na nanganak noong 2019 o umabot sa 62,510 kumpara sa 62,341 noong 2018.
Sa datos, nasa pitong babaeng may edad 10 hanggang 14 ang nanganganak kada araw sa Calabarzon, NCR at Central Luzon.
“The problem of teenage pregnancy still remains as a national emergency as this is the 9th year since 2011 that the rate has increased, noting that one out of every 10 pregnancies in the Philippines has been among teenagers,” pahayag ni Binay sa resolution.