PAGLOBO NG KASO NG ONLINE CHILD PORNOGRAPHY PINABUBUSISI
MAHIGIT dalawang linggo bago ang pagsisimula ng online classes at iba pang moda ng pagtuturo sa gitna ng Covid19 pandemic, patuloy ang pagtaas ng kaso ng online child pornography sa bansa.
Sa datos na natanggap ni Senadora Imee Marcos, nagtriple ang kaso ng online child pornography mula Marso hanggang Mayo kumpara noong nakaraang taon, base na rin sa report ng Department of Justice at Department of Social Welfare and Development.
Dahil dito, inihain ng senadora ang Senate Resolution 487 na humihiling na busisiin ang paglobo ng bilang na ito at ang kakayahan ng mga telecommunication company at internet service provider na masugpo ito.
Nakasaad sa resolusyon na ang Filipinas ang sinasabing ‘global epicenter of the live-stream sex abuse trade’ at ang nangungunang pinanggagalingan ng child pornography, ayon sa ulat ng United Nations Children’s Fund.
Ang pagkakaaresto sa American pedophile na si Michael Kent Clapper, ayon sa tip na ibinigay ng US Embassy sa Manila, ay isa lamang sa mga police operation mula nang mag-lockdown noong Marso, bukod pa sa pagsagip ng Philippine Internet Crimes Against Children Center sa 34 menor de edad sa Luzon hanggang Mindanao na ginamit sa online pornography.
Una nang nagbabala ang Europol, ang law enforcement agency ng European Union, na kabilang ang mga online learning application sa paraan ng mga mahilig sa pornograpiya para abusuhin ang mga bata, bukod pa sa online gaming, chat groups at iba pang pag-contact sa social media.
Nagbabala rin si Marcos na posibleng lumala pa ang sitwasyon at hindi rin malayong matukso ang mga magulang na kumita sa online child pornography dahil sa tindi ng kahirapang dulot ng pandemya.
Nangangamba si Marcos na habang nananatili at hindi nakalalabas ng bahay ang mga bata, posibleng mas lumala ang mga insidente ng pag-abusong sekswal sa kanilang hanay.
“Mas madaling maabuso o mapagsamantalahan ang mga Pinoy dahil sa kultura na nananahimik na lang kahit naabuso na, lalo na sa pagkakaroon ng mga abot-kayang smart phone at internet data, pati na rin ng digital cash transfer kung saan mas mahirap matunton ang pagtangkilik ng child pornography sa internet,” dagdag ni Marcos.