Nation

PAGLILIPAT NG ILANG PROGRAMA NG DEPED NA NASA CONFIDENTIAL FUND SA REGULAR FUNDING PINAG-AARALAN NG SENADO

/ 11 September 2023

PAG-AARALAN ng Senado kung maaaring ilipat sa regular funding ang ilang gastusin na nasa ilalim ng confidential fund ng Department of Education para sa 2024.

Ito ang binigyang-diin ni Senate President Juan Miguel Zubiri upang hindi lumobo ang hinihinging confidential fund ng ahensiya.

Partikular na tinukoy ng Senate leader ang pagpopondo sa pagtatayo ng Last Mile Schools na naglalayong mailayo ang mga estudyante sa mga komunista.

“Kung kaya natin ilagay sa regular budget nila, kung may tulong sa Last Mile Schools advocacy na mawala ang communist rebels, influence sa mga last mile school tingnan natin kung baka puwedeng ilagay ‘yan sa kanilang Maintenance and Other Operating Expenses na lang o capital outlay,” pahayag ni Zubiri sa panayam ng DWIZ.

“Kung magtatayo ng additional infrastructure like dorm type facility para hindi na kailangang bumalik at umakyat teachers dyan para mabantayan nila ang population at hindi maimpluwensiyahan that can be done through insertion in capital outlay, halimbawa lang po ‘yan,” paliwanag ni Zubiri.

“Kung pwede ilagay sa MOOE o personnel services puwede natin gawin para hindi lolobo ang CIF ng ahensiya na sa tingin namin, hindi dapat makakuha ng ganun kalaki,” giit pa ng senador.

Una nang binuo ng Senado ang Special Oversight Committee on Confidential and Intelligence Fund upang masuri ang paggastos ng pondo ng mga ahensiya ng gobyerno.

Ito ay upang matukoy kung dapat pang tanggalin, tapyasan o dagdagan ang hinihinging confidential at intelligence fund ng mga departamento ng pamahalaan.