Nation

PAGKATUTO NG MGA ESTUDYANTE SA DISTANCE LEARNING NASA 40-50% LANG — FOUNDATION

/ 23 April 2021

NASA 40 hanggang 50 porsiyento lamang ang lebel ng pagkatuto ng mga estudyante sa ipinatutupad na distance learning.

Ito ay batay sa pagtaya ng Synergeia Foundation, isang koalisyon ng mga indibidwal, institusyon at organisasyon na nagsusulong ng dekalidad na basic education.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, isa sa trustee ng foundation, random assesssment ang kanilang ginawa sa distance learning.

Mayroon kaming mga ginawang assessment, this is in cooperation with an NGO, Synergeia Foundation, I’m a trustee of that foundation, so gumawa kami ng random assessment at lumalabas on the average ang natutunan ng bata under distance learning is between 40 and 45 percent,” pahayag ng senador.

“So ang ibig sabihin, ‘yung kanilang passing grade, ‘yung mas marami ha, Math, Science, Filipino, Araling Panlipunan etc 40 to 45 percent ‘yung kanilang average passing grade,” dagdag pa ni Gatchalian.

Dahil dito, nangangamba ang mambabatas na sa sandaling magsagawa muli ng international assessment ay mangungulelat na naman ang Filipinas.

“Masama ito dahil nung pumasok tayo sa pandemic matatandaan natin last tayo sa mga international assessment, nasa dulo tayo. So ibig sabihin bago nagka-pandemic, ang direksiyon ng bansa ay maghabol pero hindi tayo nakakahabol. Na kumbaga naipit tayo sa 40% at sigurado ako ‘pag nag-international assessment na naman tayo, huli na naman tayo dahil hindi tayo umangat,” paliwanag ng mambabatas.

“So in other words itong distance learning imbes na makakaangat sa atin eh naipit tayo, na-stuck tayo diyan sa 40 level at hindi tayo makahabol doon sa dapat nating habulin,” dagdag pa niya.