Nation

PAGKANSELA NG LICENSURE EXAMS PINABUBUSISI SA SENADO

/ 3 March 2021

PINAIIMBESTIGAHAN ni Senador Joel Villanueva sa Senado ang serye ng kanselasyon ng licensure examinations, partikular ang Licensure Examination for Teachers.

Sa Senate Resolution 661, hiniling ni Villanueva sa Senate Commitee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation at sa Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education na magsagawa ng hearing para makabalangkas din ng mga paraan kung paano maisasakatuparan ang mga pagsusulit sa ‘new normal’.

Kabilang sa mga nakanselang pagsusulit ang mga nakatakda sana noong Marso hanggang Abril 2020, kasama ang LET dahil Covid19 pandemic.

Kinansela rin ng Professional Regulation Commission ang May at June 2020 licensure examinations para sa Civil Engineering, Chemical Engineering, Certified Public Accountancy, Dentistry and Dental Hygienists, Nursing, Criminology, Environmental Planning at Interior Design Licensure Examinations.

“As early as May 8, 2020, the PRC issued the list of the new set of dates for the postponed March to June 2020 Licensure  Examinations and the places of examinations, providing for the opening of online processing and the deadlines in the filing of applications, and rescheduling LET on September 27, 2020,” nakasaad sa resolusyon.

Subalit noong Pebrero 10, sa kabila ng mga paghahanda ng mga guro, muling kinansela ng PRC ang pagsusulit at iniurong sa Setyembre 26.

Bagama’t may ilang PRC official na ang nagrekomenda ng pagsasagawa ng online examination, wala pa ring nabubuong konkretong hakbangin para rito.