Nation

PAGKAMATAY NG PNPA CADET PINAIIMBESTIGAHAN SA SENADO

/ 1 October 2021

NAIS ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na magsagawa ang Senado ng imbestigasyon ‘in aid of legislation’ sa pagkamatay ng isang kadete ng Philippine National Police Academy dahil umano sa hazing.

Sa Senate Resolution 917, sinabi ni Dela Rosa na layon ng imbestigasyon sa insidente ng pagkamatay ni PNPA Cadet 3rd Class George Karl Magsayo na matukoy ang posibleng gap sa pagpapatupad ng Anti-Hazing Act of 2018.

Ipinaalala ng senador sa kanyang resolution na ipinagbabawal sa Anti-Hazing Act of 2018 ang lahat ng uri ng hazing sa fraternities, sororities at anumang organisasyon sa paaralan, kabilang na ang citizens’ military training at citizens’ army training.

Si Magsayo ay nakahandusay sa isa sa dormitory rooms ng akademya at nang isugod sa Qualimed Hospital ay idineklara nang wala nang buhay.

Lumitaw sa pagsisiyasat na sinuntok umano ni Cadet 2nd Class Steven Ceasar Maingat si Magsayo bago ito nakitang nakahandusay.

Binanggit din ni Dela Rosa sa resolution na noong 2019, apat na kadete rin ng PNPA ang sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Law dahil sa umano’y pagmamaltrato kay John Desiderio.

“Despite the implementation of the Anti-Hazing Act of 2018, it is concerning that horrible hazing incidents are allegedly still happening in the Philippipne National Police Academy where we expect Justice, Integrity and Service,” pahayag ni Dela Rosa sa resolution.

Iginiit ng mambabatas na kailangang matukoy kung sapat na ang mga batas, regulasyon at operational protocols para maprotektahan ang PNPA cadets at mga estudyante sa pangkalahatan.