Nation

PAGKAKALOOB NG LAPTOP SA BAWAT PUBLIC SCHOOL STUDENT ISUSULONG NG SENADOR

/ 1 December 2020

PLANO ni Senador Win Gatchalian na magsulong ng panukala para sa pagbibigay ng laptop at internet connectivity sa bawat mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.

Sinabi ni Gatchalian na batay sa pag-aaral ng Center for Educational Measurement, ang resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment kung saan lumabas na ang pagkakaroon ng access sa computer at internet ay may malaking epekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral.

Ayon sa CEM, 60 porsyento ng mga mag-aaral na nakikilahok sa PISA ay walang computer at internet access sa kanilang mga tahanan kaya karamihan sa mga mag-aaral ay nakakuha ng mababang marka sa PISA.

Sa resulta ng PISA, ang Filipinas ang may pinakamababang marka sa Reading Comprehension o Pagbasa at pangalawang pinakamababang marka naman sa Science at Mathematics sa 79 mga bansa.

Idinagdag ni Gatchalian na kailangan nang gawing bahagi ng programang pang-edukasyon ang distance learning upang maipagpatuloy ang edukasyon sa panahon ng mga krisis at kalamidad tulad ng pandemya ng Covid19 at mga nagdaang bagyo.

“Dahil sa pandemyang ito, nakita natin na ang mga laptop at access sa internet ay maituturing nang pangunahing pangangailangan sa pag-aaral. Walang batang dapat maiwan dahil lang sa wala silang magamit na computer o kaya naman ay wala silang koneksyon sa internet. Ito ay isang hamon sa ating pamahalaan,” pahayag ni Gatchalian.

“Ngayon ang tanong — saan manggagaling ang pondong gagamitin para dito? Ngayon higit na kailangan ng ating mga mag-aaral ang laptop at internet. Kaya naman nais nating maghain ng panukalang batas upang mabigyan ang bawat mag-aaral ng laptop at koneksyon sa internet,” dagdag pa ng senador.

Ayon sa Department of Education, 87 porsyento ng 22 milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ang gumagamit ng self-learning modules ngunit aminado ang ahensiya na parehong magastos at nakadaragdag lamang sa kalat ang patuloy na paggamit ng SLMs.

Nasa 3.6 milyong mga mag-aaral ang konektado sa internet habang halos dalawang milyon naman ang may laptop.

Napuna rin ni Gatchalian na bagama’t may mga dekalidad na videos na maaaring mapanood sa YouTube channel ng DepEd TV, mayroon lamang itong 59,000 mga subscriber.

Ganito rin ang naobserbahan ng mambabatas sa Valenzuela sa inilunsad na Valenzuela Live Online Streaming School o Valenzuela Live.

Bagama’t ginamitan ng Facebook Live ang naturang programa para sa pag-ere ng mga aralin, 3,000 sa inaasahang 10,000 mag-aaral ang hindi nakapanood sa mga aralin dahil sa kawalan ng gagdets at maayos na internet connection.