PAGHAHANDA NG DEPED, CHED SA F2F CLASSES IPINALALATAG NG SENADOR
HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Education at ang Commission on Higher Education na plantsahin na ang mga hakbangin para sa pagbabalik ng face-to-face classes sa mga susunod na buwan.
Sa gitna ito ng pag-asang makababalik na sa normal ang bansa sa sandaling masimulan na ang rollout ng Covid19 vaccination program.
“Ang magandang balita naman dito papasok na rin sa atin ang vaccine at ngayong Pebrero napakinggan natin na may limang milyon na doses na papasok aa ating bansa at tuloy-tuloy na ito hanggang mabakunahan na ang lahat ng ating kababayan,” pahayag ni Gatchalian.
“Ang pinakaimportanteng milestone ay ‘yung pagdating ng June o July, dito ho papasok lahat ng bakuna na inorder po ng ating lokal na pamahalaan, kasama na rito ang Valenzuela na base sa aming pag-uusap sa Aztrazeneca, by June o latest July, padating na po ang bakuna dito. So, ang ibig sabihin nito kung mababakunahan po ang ating mga kababayan, hopefully by October, eh magno-normalize na ‘yung sitwasyon natin kaya dapat kahit papano napaghandaan na natin ‘yung posibilidad, hindi ko naman sinasabi na sigurado pero posiblidad na magkaroon tayo ng face-to-face classes,” dagdag ng senador.
Muli namang iginiit ni Gatchalian na isama sa priority list ng bibigyan ng bakuna ang mga guro na nabibilang din sa frontliners.
“Ang ating mungkahi unahin mabigyan ng bakuna ang ating mga guro dahil ako, itinuturing ko silang frontliners eh dahil sila po ang maglilinis ng classrooms, maghahatid ng self-learning modules, na-expose din sila dito sa ganitong mga virus kaya dapat unahin na sila at isama sila mga priority group,” paliwanag ni Gatchalian.
Subalit kahit na mayroon nang bakuna, binigyang-diin ng senador na kailangang ilatag ng DepEd at CHED ang kanilang mga paghahanda sa face-to-face classes.
“Kahit na mayroon na tayong bakuna, dapat maghanda po ang DepEd at CHED sa mga health protocols. Hindi porke may bakuna puwede na tayong maging pabaya, talagang itong bakuna kahit magbibigay ng proteksiyon sa atin, hindi ito nakatitiyak na hindi tayo mahahawaan dahil sa sobrang bago, iba-iba ang lumalabas na impormasyon. Kaya ang ating eskwelahan ay dapat pa rin magkaroon ng safety protocols,” diin pa ng mambabatas.
“Ano itong mga health and safety protocols? Unang-una ‘yung paghuhugas ng kamay, paglalagay ng alcohol at ‘yung mga classrooms natin, silid-aralan ho natin ay hindi ho dapat masikip, dapat mag-practice ng social distancing,” sinabi pa ni Gatchalian.
Aminado ang senador na sa ngayon ay hirap na kapwa ang mga estudyante at mga guro sa distance learning.