Nation

PAGGAMIT SA RESULTA NG SURVEY PARA ISULONG ANG MANDATORY ROTC PINUNA NG KONGRESISTA

/ 26 October 2023

PINUNA ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel ang paggamit ng ilang mambabatas sa isang survey upang isulong ang mandatory Reserve Officers Training Corps sa bansa.

Sinabi ng kongresista na kung aaralin ang survey ay hindi malinaw kung ano talaga ang sinusukat na pulso ng taumbayan.

Ipinaliwanag ni Manuel na unang ipinakete ang survey para sabihing 71% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa pagbuhay sa ROTC.

Subalit iginiit ni Manuel na hindi naman na ito dapat i-revive dahil may ROTC na rin sa ngayon, bagama’t hindi mandatory.

“Hindi rin malinaw kahit sa mga mambabatas na nagbibida ng naturang survey na pabor nga sa mandatory ROTC ang kalakhan ng mga sumagot sa survey. In fact, 28% ng mga respondent na sang-ayon sa programang ROTC ay ayaw rin naman na gawin itong mandatory,” pahayag ni Manuel.

Idinagdag pa ng kongresista na sa parehong survey, 58 percent ng mga sumusuporta sa layunin ng ROTC ang nangangamba sa posibilidad ng abuso sa ilalim ng programa, at 37% ang nangangamba sa dagdag na gastusin.

Umaapela si Manuel sa mga mambabatas na nagsusulong ng mandatory ROTC na huwag baluktutin ang interpretasyon ng mga datos para lamang mapadali ang pagsasabatas nitong programang nais nilang idikta sa kabataan.