Nation

PAGGAMIT SA MGA SALITANG ‘FILIPINO’ AT ‘FILIPINAS’ IPINATITIGIL NG KWF

PAGKALITO, ligalig, at hidwaan lamang umano ang inihatid ng paggamit sa mga salitang ‘Filipino’ at ‘Filipinas’ kaya napagdesisyonan ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino na ipatigil na ito.

/ 23 July 2021

PAGKALITO, ligalig, at hidwaan lamang umano ang inihatid ng paggamit ng ‘Filipino’ at ‘Filipinas’ kaya napagdesisyonan ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino na ipatigil na ang paggamit sa mga salitang ito.

Ayon sa kabababâ lamang na Kapasiyahan Blg 21-18 ay napagdesisyonan na ng KWF na ‘Pilipinas’ lamang ang dapat gamiting opisyal na pangalan ng bansa. Gayundin ay ipinababalik sa ‘Pilipino’ ang ngayong ginagamit na ‘Filipino’ bilang panukoy at panawag sa mga mamamayan.

“Ang pagpapalit ng ‘Filipinas’ sa ‘Pilipinas’ ay nagdulot lamang ng pagkalito sa mga mag-aaral at pagkaligalig at hidwaan sa maraming mamamayang Pilipino,” nakasaad sa dokumento.

“Ngayon samakatuwid, ipinapasiya, gaya ng ginagawang pagpapasiya na ibalik ang gamit ng ‘Pilipinas’ habang ipinatitigil ang paggamit ng ‘Filipinas’.

“Ipinapasiya pa na ibalik ang paggamit ng ‘Pilipino’ kapag ang tinutukoy ay mamamayan at kultura ng Pilipinas,” dagdag ng Komisyon.

Ikinagulat ng dating Tagapangulo at Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario ang balita.

Sa ekslusibong panayam ng The POST, sinambit niyang wala ito sa lugar at ni hindi man lamang dumaan sa anumang pampublikong kilates at pagdinig.

Hindi niya umano maintindihan ang dahilan ng biglaang pagpipigil sa kapasiyahan ng KWF noong 2013. Aniya, ang paggamit ng ‘Filipinas’ at ‘Filipino’ ay hindi sapilitan at pawang mga mungkahi lamang na nakabatay sa marubdob na pananaliksik at kasaysayan ng bansa.

“Kung ayaw, wala kaming parusa o pagpigil man lamang na inilalaan. Dahil wala namang batas para palaganapin ang Pilipinas ay wala ring batas na nagbabawal sa Filipinas.”

Batay sa ulat, walang nangyaring konsultasyon bago isapinal ang desisyon ng KWF.

“Wala man lamang hearing para kunin ang kuro-kuro ng mga tao. Noong ipalabas namin ang kapasiyahan [tungkol sa] Filipinas ay may tumutol. Ano ang ginawa namin? Nagdaos kami ng forum sa NCCA para pakinggan ang mga tutol.”

“Ang mga history teacher na tumutol sa UP ay inimbita namin sa isang forum sa Valenzuela. Dumalo ang ilan at nagkaroon ng diyalogo.”

“Para naman maliwanagan pa ng iba ang kaso ay naglabas ako ng primer tungkol dito na may salin sa Ingles.”

Palagay pa ni Almario, hindi patunay ang inilista ngayong mga argumento ng kapasiyahan ng bagong board. Listahan lamang umano ito ng mga umaayaw sa paggamit ng Filipinas.

“Ang hámon kay Casanova ay sagutin ang mga argumento para sa Filipinas. Kung hindi, isang kakulitan lang ang patuloy na paggamit ng Pilipinas. Dapat nawala na ang Pilipinas nang magkaroon ng F ang alpabeto at naging Filipino ang pangalan ng Wikang Pambansa.”

“Ang Pilipinas ay anak ng kaisipang Pilipino at nakaiwanan na ito ng panahon,” panapos ni Almario.

Samantala, hanggang ngayo’y wala pa ring personal na pahayag si Casanova liban sa nilagdaan niyang imbitasyon sa gaganaping press conference sa Hulyo 28.

Wala pa ring inilalabas na kontra-saliksik ang kampo ni Casanova na makapagpapatibay sana ng pagdedesisyon ng Kalupunan ng KWF.

Naghahanap na rin ng kasagutan ang mga guro’t mag-aaral lalo pa’t ang sinusunod na Manwal sa Masinop na Pagsulat, Ortograpiyang Pambansa, at Estilong Filipino, mga batayang-aklat at sourcebook sa pagtuturo ng wika, ay nakapares pa rin sa mga napagtagumpayang saliksik sa noon pamumuno noon ni Almario.

Sa likod nito’y kapansin-pansin na ang mga pagbabagong naganap sa KWF mula noong maupo si Casanova isang taóng nakararaan.

Pinalitan niya ang ‘Aklat ng Bayan’ tungong ‘KWF Publikasyon’ kahit na ang ibig sabihin nito’y mababalewala ang ISO-certification ng naturang limbagan.

Gayundin, kinakitaan ng transpormasyon ang tema ng Buwan ng Wikang Pambansa 2021. Inalis na ng KWF ang salitang ‘Filipino’ habang isinusulong ang pagbabalik ng makalumang paraan ng pagpapangalan sa mga mamamayan: “Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.”