Nation

PAGGAMIT SA MGA ISKUL BILANG EVACUATION CENTERS IPINATITIGIL NG SENADOR

/ 30 December 2021

MATAPOS ang pananalasa ng bagyong Odette, iginiit ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na panahon na upang tigilan ang paggamit sa mga paaralan bilang evacuation centers.

Nanawagan si Go sa mga kasamahan niya sa Senado na talakayin na at ipasa ang Senate Bill No. 1228 o ang proposed Mandatory Evacuation Center Act na kanyang inihain noong 2019.

Layon ng panukala na matiyak na may pansamantalang matutuluyan ang mga biktima ng kalamidad na ligtas at may pangunahing pangangailangan.

“Minsan po, ‘di nagagamit ang mga paaralan kapag ginagamit ang mga eskuwelahan bilang evacuation centers. Kaya panahon na po magkaroon tayo ng evacuation center sa bawat bayan,” pahayag ni Go.

Hanggang noong December 28, kabuuang 1,290 paaralan o 7,489 klasrum ang ginagamit bilang evacuation centers sa Mimaropa, Regions 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11 at Caraga.

“Kailangang magpatayo tayo ng mga safe, permanent and dedicated evacuation centers na may sapat na mga emergency packs, katulad ng blankets, tubig, gamot, flashlight at ready na relief goods,” diin ni Go.

“Obligasyon ng gobyerno na palaging maging handang tumulong sa oras ng sakuna,” dagdag ng senador.