PAGGAMIT NG PONDO NG TESDA SA NTF-ELCAC PINAIIMBESTIGAHAN SA KAMARA
ISINUSULONG ng Makabayan Bloc ang isang resolusyon upang imbestigahan ang paggamit sa P162.9 milyong pondo ng Technical Educational and Skills Development Authority para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Ang House Resolution 2147 ay inihain nina Representatives Arlene Brosas, Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite, Eufemia Cullamat, France Castro at Sarah Jane Elago.
Pinagbatayan ng mga kongresista sa kanilang resolution ang annual audit report ng Commission on Audit sa Fiscal Year 2020.
Lumitaw sa report na inilaan ng TESDA ang bahagi ng kanilang pondo para sa NTF-ELCAC nang walang legal na batay at mga kaukulang dokumento na posibleng maging dahilan ng misappropriation at technical malversation.
Inihayag ng mga mambabatas sa kanilang resolusyon na malinaw na tinukoy ng COA na hindi kasama sa 2020 appropriation ng TESDA ang mga aktibidad sa ilalim ng Executive Order 70 kaugnay sa mga programa ng NTF-ELCAC.
Bukod sa TESDA, nais din ng mga mambabatas na busisiin ang paglilipat ng Department of the Interior and Local Government ng P2.922 milyon para sa aktibidad ng NTF-ELCAC.
Ipinaliwanag pa ng mga mambabatas na ang aksiyong ito ay direktang paglabag sa Konstitusyon at sa Presidential Decree 1445.
“The NTF-ELCAC must not be allowed to move around and source funds from its member-agencies for the implementation of activities at its whim without any congressional authorization,” pahayag ng mga mambabatas sa resolusyon.