Nation

PAGDEDEKLARA SA AUGUST 12 BILANG NATIONAL YOUTH DAY LUSOT NA SA SENATE PANEL

/ 30 January 2022

INAPRUBAHAN na ng Senate Committee on Youth ang panukala na ideklara ang August 12 bilang National Youth Day at magkaroon ng taunang selebrasyon para rito.

Isinulong ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang Senate Bill 1587 bilang pagpapahalaga sa papel ng kabataan sa kaunlaran ng bansa.

“Inaasahan natin na ang special na okasyon na ito ay upang mabigyan ng mas matinding atensiyon ang mga isyu sa kabataan,” pahayag ni Revilla.

Sinabi ng senador na sa pamamagitan ng panukala, kinikilala rin ang kontribusyon ng kabataan sa nation-building.

Ipinaliwanag pa ni Revilla na alinsunod sa Konstitusyon, mandato ng estado na kilalanin ang mahalagang papel ng kabataan sa nation building.

Bukod dito, tungkulin din ng estado na protektahan ang physical, moral, spiritual, intellectual at social well-being ng kabataan para maukit sa kanila ang pagiging makabayan, bukod sa paghikayat sa kanila na makiisa sa public and civic affairs.

Sa tala, nasa 30 milyon ang young population na may edad 10 hanggang 24 sa Pilipinas kaya itinuturing ang bansa bilang isa sa youngest population sa Asia Pacific region.

Alinsunod sa panukala, ipagdiriwang ang National Youth Day sa mga educational institution sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga aktibidad para sa kabataan tulad ng empowerment seminars, leadership trainings at iba pang kahalintulad na gawain.

Kailangan ding bigyang tugon ang mga pangangailangan ng kabataan, partikular sa dekalidad na edukasyon, proteksiyon laban sa pag-abuso, cybercrime, bullying, illegal drug use at teenage pregnancy.