Nation

PAGBUSISI SA OVERPRICED LAPTOPS TATAPUSIN NA

/ 17 September 2022

ISANG pagdinig na lang ang kinakailangan at makukumpleto na ng Senate Blue Ribbon Committee ang kanilang mga rekomendasyon para sa kontrobersiyal na overpriced laptops.

Ayon kay Senador Francis Tolentino, chairman ng komite, mas malinaw na ang mga pangyayari para sa mga senador at makabubuo na sila ng mga rekomendasyon.

“One hearing na lang tayo dito…and we will be ready to conclude,” pahayag ni Tolentino.

Sinabi ng senador na kailangan na lamang nila ng ilang dagdag na dokumento mula sa Department of Education na may kinalaman sa memorandum of agreement nito sa Procurement Service ng Department of Budget and Management.

Kabilang din sa bubusisiin pa ng komite ang listahan ng mga tumanggap ng laptop bago tapusin ang pagdinig.

Gayunman, hindi maipangako ng senador na agad mailalabas ang committee report dahil gumugulong na rin ang deliberasyon sa panukalang 2023 national budget sa Senado.

Kasabay nito, sinabi ni Tolentino na wala pang sinumang ‘off the hook’ sa kontrobersiya.

Sinabi ni Tolentino na maging si dating Education Secretary Leonor Briones na una nang sinabing posibleng walang pananagutan ay hindi pa maaaring iabswelto sa naging deal ng PS-DBM at DepEd.

Ito ay makaraang lumitaw sa kanilang pagbusisi ang magulong mga dokumento kaugnay sa memorandum of agreement para sa procurement ng P2.4 bilyong halaga ng mga laptop.

May posibilidad, ayon kay Tolentino, na ante-dated ang MOA na maituturing na falsification of documents.