Nation

PAGBUO NG TRIPARTITE COUNCIL VS JOB-SKILLS MISMATCH LUSOT NA SA HOUSE COMMITTEE

/ 14 January 2021

APRUB na sa House Committee on Higher and Technical Education ang panukala na nagmamandato sa Commission on Higher Education na bumuo ng tripartite council upang lunasan ang job-skills mismatch sa bansa.

Ito ay makaraang magpahayag ng suporta sa panukala ang mga kinatawan ng CHED, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Labor and Employment, at iba pang asosasyon ng higher educational institutes.

Ang House Bill 8210 ay inihain ni Baguio City Rep. Mark Go makaraang lumitaw sa datos na 23.9 percent ng mga unemployed sa bansa ay college graduates, 16.7 percent ang college un-dergradutaes, 6.4 percent ang senior high school graduates at 36.8 percent ang junior high school graduates.

“With the adoption and implementation of the K-12 system, we hoped to train our learners, particularly those enrolled under the technical-vocational strand, such that they will already be job ready by the time they graduate from senior high school,” pahayag ni Go sa kanyang explanatory note.

Sa virtual hearing ng komite, iginiit ng kinatawan ng CHED na bagama’t magiging dagdag ito sa kanilang mandato, napapanahon naman ang pagbuo ng konseho upang maresolba ang mga isyu ng job mismatch.

Iginiit pa ng CHED na sa pamamagitan ng konseho ay mapag-aaralan na rin ang mga scholarship program na ipinatutupad upang mai-align sa mga pangangailangan ng industriya.

Alinsunod sa panukala, bubuuin ang konseho ng CHED Commissioner, Deputy Director General ng Technical Education and Skills Development Authority at undersecretaries ng Department of Labor and Employment at Department of Trade and Industry.

Ang Tripartite Council ay magiging regular coordinating body sa pagitan ng gobyerno, academe at industry sectors upang mabantayan ang employment, underemployment at job-skills mis-match, at regular na magsasagawa ng quarterly meeting para sa pagbalangkas ng short at long term policies, plans at programs,  gayundin ng inventory, review at evaluation ng mga kurso.

Mandato rin ng konseho ang assessment ng kwalipikasyon at kakayahan ng mga estudyante at graduates ng tertiary at techvoc education and training; magsagawa ng inventory job specifications; at magrekomenda sa Pangulo, Kongreso at iba pang government institutions ng mga polisiya na  makatutulong sa pagresolba ng underemployment.