PAGBUO NG PARENT EFFECTIVENESS PROGRAM SA BAWAT LUNGSOD LUSOT NA SA KAMARA
INAPRUBAHAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa pagbalangkas ng Parent Effectiveness Development Service Program sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.
Ang House BIll 8559 o ang proposed Parent Effectiveness Development Service Act ay inisponsoran nina Representatives Yedda Marie Romualdez at Enrique Garcia III.
Binigyang-diin ng mga kongresista sa pagsusulong ng panukala na napakahalagang protektahan ng estado ang pamilya bilang basic social institution at foundation ng bansa.
Batay sa panukala, minamandato ang pagbalangkas ng mga hakbangin upang mapalakas ang papel ng mga magulang at parent substitutes bilang primary educators at caregivers sa kanilang mga anak.
Layon din ng panukala na magkaroon ng maayos na sistema sa bahay para sa physical, moral at intellectual development ng mga bata.
Kabilang sa mga programa ang early childhood development, behavior management of younger and oldern children, husband-wife relationships, pag-iwas sa child abuse, health care at iba pang mga pagsubok sa pagiging isang magulang.
Alinsunod sa panukala, bubuuin ang programa ng Department of Social Welfare and Development, Department of Education at ng Early Childhood Care and Development Council.
Saklaw ng programa ang lahat ng magulang at substitute parents ng mga batang naka-enrol sa public at private Child Development Centers.
Magbibigay rin ng PEDS manual ang DSWD, DepEd at ECCDC para mas maunawaan ng mga magulang ang programa.