Nation

PAGBUO NG CONGRESSIONAL OVERSIGHT COMMITTEE ON EDUCATION HIHIMAYIN SA KONGRESO

/ 25 October 2021

INAASAHANG isasalang na sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa pagbuo ng Congressional Oversight Committee on Education, sa pagbabalik ng sesyon sa Nobyembre.

Ito ay makaraang iendorso na sa plenaryo ng Hose Committees on Basic Education and Culture at Higher and Technical Education ang kanilang Committee Report 1272 para sa approval ng House Bill 10308 o ang proposed Congressional Oversight Committee on Education Act.

Alinsunod sa panukala, ang bubuuing komite ay may pangunahing tungkulin na repasuhin at i-assess ang estado ng edukasyon sa bansa at magrekomenda ng mga reporma upang maiangat ang kalidad nito.

Layon ng panukala na resolbahin ang mga problema at isyung kinakaharap ng educational system sa pagtugon sa international standards.

Nakasaad din sa panukala ang pagsasaayos ng mga polisiya at programa ng Department of Education, Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority, kabilang na ang ilang manpower development bodies.

Pangunahing tungkulin din ng komite na isulong ang educational reforms para makatugon sa mga hamon ng edukasyon sa ilalim ng blended learning para sa basic education at flexible learning sa higher education at postsecondary technical-vocational education at training.

Ang komite ay bubuuin ng limang miyembro ng House of Representatives at limang miyembro mula sa Senado kasama ang chairpersons ng Senate Committees on Basic Education, Arts and Culture at Higher, Technical and Vocational education, gayundin ang chairpersons ng House Committees on Basic Education and Culture at Higher and Technical Education.