PAGBUHAY SA ROTC, MANDATORY MILITARY SERVICE, SUPORTADO NG SENADOR
SUPORTADO ni Senador Francis Tolentino ang panukala para sa mandatory military service kasabay ng kanyang pagsusulong ng panukala na maibalik ang Reserved Officers Training Corps sa kolehiyo.
Sinabi ni Tolentino na may magandang mithiin ang panukala para sa bayan upanng magkaroon ng dagdag na puwersa ang militar sa sandaling kailanganin ng sitwasyon.
“Bilang isang heneral ng Philippine Army, tayo ay nag-file ng bill para sa revival ng ROTC na naka-pending pa, tayo ay nag-file din ng panukala na kapag may emergency situation gamitin ang mga reservist. Tayo rin ang nag-file ng panukala na ang mga engineer, nurses sa iba’t ibang lalawigan ay maging bahagi ng sandatahang lakas bilang reservist so sang-ayon po tayo diyan,” pahayag ni Tolentino.
Ipinaliwanag naman ng senador na ang ROTC at mandatory military service ay dalawang magkaibang bagay.
Iginiit ni Tolentino na ang mandatory military service ay hindi katulad ng ROTC na pagsasanay bilang bahagi ng college curriculum.
“Hindi ito ROTC program, call to active duty na po to, ibig sabihin hindi kayo weekend warriors, ibig sabihin sa loob ng isang panahon, halimbawa isang taon, kayo ay nasa active duty ng Army at Navy at kayo ay aalis muna sa normal na ginagawa at nasa kampo muna at handa magsilbi para sa bayan,” paliwanag ni Tolentino.
Kasabay nito, tiniyak ng senador na handa niyang pag-aralan ang paghahain ng panukala para sa mandatory military service kasabay ng paghikayat sa mga kasamahan sa Kongreso na talakayin na ang kanyang bill para sa ROTC revival.