Nation

PAGBISITA SA HISTORICAL HERITAGE SITES IPINASASAMA SA OFF CAMPUS ACTIVITIES

/ 9 January 2021

NAIS ni Bataan 2nd District Rep. Jose Enrique Garcia III na maisama sa off campus activities sa lahat ng antas ang pagbisita sa mga historical heritage site sa bansa.

Sa House Bill 2117 ay pinaaamyendahan ni Garcia ang Republic Act 10066 o ang National Cultural Heritage Act of 2009.

Alinsunod sa panukala, kasama sa dapat na bisitahin ng mga estudyante mula sa pribado at pampublikong paaralan ang mga historical landmark, monument at cultural heritage site.

“This aims to truly promote and popularize our historical and cultural heritage, and inculcate patriotism and nationalism among Filipinos, especially the youth,” pahayag ni Garcia sa kanyang explanatory note.

Ipinaalala ni Garcia na alinsunod sa Konstitusyon, dapat magkaroon ng programa ang gobyerno upang mapanatili ang pagiging makabayan ng mga kabataan at mahikayat ang mga ito na makiisa sa public at civic affairs.

Iginiit pa ng mambabatas na dapat ding ipaalala palagi sa mga kabataan ang naging papel ng mga bayani sa kasaysayan ng bansa at ituro sa kanila ang mga karapatan at responsibildiad bilang mamamayan ng bansa at palakasin ang ethical at spiritual values bukod sa personal discipline.

Kailangan din, aniya, na mapalakas ang pagpapahalaga ng kabataan sa national culture at pagkakaisa bukod pa sa promosyon ng historical at cultural heritage at resources.