PAGBILI NG MODULES TULOY — DEPED
INAMIN ng Department of Education sa House Committee on Public Accounts na hindi na umabot ang procurement nila ng self-learning modules para sa 4th quarter ng School Year 2020-2021.
Gayunman, tiniyak ni Education Undersecretary Diosdado San Antonio na may nagamit naming materyales ang mga estudyante.
“Hindi po nakahabol sa 4th quarter pero bibilhin pa rin natin dahil gagamitin pa sa susunod na school year,” pahayag ni San Antonio.
“Kahit hindi available sa Central Office, mayroon sa mga division office dahil nagbaba naman ng support para sa quarters 3 and 4 kaya walang naiulat na paaralan na walang naibigay na modules,” ayon pa kay San Antonio.
Sinabi ni San Antonio na plano sana ng Central Office na magmula sa kanila ang lahat ng learning materials subalit hindi ito natuloy.
“Pero totoo na ang plano ng Central Office na galing sa amin ay hindi naging available dahil sa constraints tulad ng dagdag na quarantine at procurement guidelines,” paliwanag ni San Antonio.
Samantala, muling inungkat ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang patuloy na produksiyon ng DepEd ng mga libro at self-learning modules na maituturing aniyang labag sa batas.
Sinabi ni Marcoleta na ang aksiyon na ito ng DepEd ay paglabag sa Republic Act 8047 o ang Book Publishing Industry Development Act.
“In the audit report, COA or Commission on Audit found that the DepEd, in producing the learning materials, clearly circumvented Section 10 and 11 of Republic Act 8047,” pahayag ni Marcoleta.
Iginiit ni Marcoleta na alinsunod sa batas, dapat tumutok ang DepEd sa pagbuo ng curriculum.
“‘There is a continuing violation. ‘Yung NBDB o National Book Development Board, siya po ang dapat gumagawa ng mga libro at mga learning materials pero hanggang ngayon ay sila pa rin po ang nagpipilit na gumawa,” dagdag pa ni Marcoleta.
Mula naman sa libro, mga module ang ginagawa ng DepEd sa pangangatuwirang hindi ito mga aklat.
“The COA also found out that modules and books are similarly situated. Kahit na sabihin nila that the modules are 30 pages or below. Kasi ang definition ng textbook under the UNESCO, kailangan 42 pages ‘yan, but just the same, gumawa rin sila ng learning materials and they called it self-learning materials,” diin ni Marcoleta.