Nation

PAGBILI NG MGA GURO NG ‘READY-MADE’ RESEARCH PAPERS  IIMBESTIGAHAN NA NG DEPED

/ 27 January 2021

BUBUSISIIN ng Department of Education ang iniulat ng The POST na pagbili ng mga guro ng ‘ready-made’ research papers para sa kanilang promosyon.

Sa isang televised press briefing, sinabi ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na maghahanap sila ng pruweba upang mapatunayan ang nasabing isyu.

“Ito po ay ipapaimbestiga natin. Maghahanap tayo ng pruweba na nangyayari nga ito. Gusto po namin ‘yung mga nagrereport mismo ay magbigay ng detalye para po mas maging madali ang pag-iimbestiga at pagbibigay ng tamang atensiyon sa ganyang mga gawain,” sabi ni San Antonio.

Dagdag pa niya, hindi papayag si Education Secretary Leonor Briones sa ganitong gawain na “intellectual prostitution.”

“Ang maliwanag po, alam ko kahit po si Secretary, researcher iyan, professor, hindi niya papayagan na gagawing intellectual prostitute ang mga ibang sektor ng ating lipunan,” dagdag pa niya.

Nauna nang iginiit ni Senate Committee on Basic Education chairman Sherwin Gatchalian na kailangang busisiin ng DepEd ang naturang isyu dahil ito ay “unethical.”