Nation

PAGBILI NG DEPED NG LAPTOPS PARA SA MGA GURO PINABUBUSISI SA KAMARA

/ 25 June 2021

NASI ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy na imbestigahan ng Kamara ang umano’y kuwestiyonableng bidding sa pagbili ng Department of Education ng laptops para sa mga guro sa pampublikong paaralan.

Sa impormasyon ng kongresista, binili ng DepEd ang 39,000 laptops sa bidder na may mas mataas na presyo dahil sa konsiderasyon sa laptop bags.

Iginiit ng mambabatas na labag sa Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act ang pagpili ng ahensiya sa mas mataas na bidder lalo na’t may iba pang bidder na nagbigay ng mas mababang halaga.

“We received information that the contract was practically secured by the second lowest bidder at almost P2.3 billion, which is P167 million higher than the bid of the lowest bidder,” pahayag ni Herrera.

Sa datos ng solon, makatitipid ng P167 million ang DepEd kung pinili nito ang mas mababang bidder.

“This is quite alarming and unacceptable because the P167 million that the government stands to lose from this project could be used elsewhere, especially during this pandemic,” paliwanag ni Herrera-Dy.

“Bakit naman ang laptop bag at hindi ang specs ng computer ang naging basehan sa pag-award ng contract sa pagbili ng laptop computers para sa mga guro natin sa public school? Nang dahil lang sa bag?,” dagdag pa ng kongresista.

Lumilitaw na bawat unit ng laptop ay mas mahal ng P5,000 dahil ballistic nylon ang laptop bag.

“Mas importante pa pala ang bag na may kabuuang halaga ng P167M kaysa sa specs ng computer. Hindi ba may mali rito? Mas mahal ng P5,000 per bag ito, makakabili na ito ng isang tablet para sa 39,000 na bata,” diin ni Herrera-Dy.