Nation

PAGBAWI SA UP-DND ACCORD INALMAHAN NG SOLONS

/ 6 October 2021

PINALAGAN ng ilang minority congressmen ang hakbang ng Kamara na bawiin ang pag-apruba sa panukalang pagsasabatas sa 1989 University of the Philippines-Department of National Defense accord.

Ang House Bill 10171 ay inaprubahan ng Kamara sa 3rd and final reading noong September 21.

Sa kanilang sulat kay House Speaker Lord Allan Velasco, pinuna ng mga miyembro ng Makabayan Bloc at ni Quezon City Rep. Christopher Belmonte ang muling pagkonsidera sa panukala noong September 30.

Ito ay alinsunod sa mosyon ni Cavite Representative Jesus Crispin “Boying” Remulla na in-adopt sa plenary session.

Iginiit ng mga mambabatas ang Section 106 ng Rules of the 18th Congress hinggil sa reconsideration na nagsasaad na maaari lamang isulong ang reconsideration sa isang inaprubahang panukala sa susunod na session day matapos ang final reading.

Binigyang-diin ng Makabayan bloc at ni Belmonte na limang session days na ang lumipas bago isinulong ang motion for reconsideration.

“Thus, we would like to put this manifestation on record in the Journal for September 30, and request that the move for reconsideration of HB 10171 be declared null and void,” bahagi ng sulat ng Makabayan bloc kay Velasco.

Nakasaad sa inaprubahang panukala na kinakailangan munang ipaalam ng mga miyembro ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, o iba pang law enforcement agencies sa UP president o chancellor kung may operasyon silang isasagawa sa anumang campus ng unibersidad sa buong bansa.

Alinsunod din sa panukala, ipinagbabawal ang pagpasok ng state forces sa mga campus maliban na lamang sa panahon ng hot pursuit at kahalintulad na operasyon.

Wala ring miyembro ng PNP, AFP o iba pang law enforcement agencies ang papayagang pumasok sa UP campuses o regional units.