PAGBAWAL SA JOB ORDERS SA TEACHERS ISINUSULONG SA KAMARA
UPANG matiyak ang long-term employment ng mga guro, isinusulong ng mga kongresista sa Kamara ang panukala na nagbabawal sa pag-empleyo ng mga guro sa pamamagitan ng contract of servcie o job orders.
Ang House Bill 2102 ay inihain nina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas, Kabataan Party-list Rep. Sarah Jane Elago at Bayan Muna Party-list Representatives Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat.
Sa kanilang explanatory note, sinabi ng mga mambabatas na naging common practice sa ilang local government units, maging sa Department of Education at public higher education, ang pagkuha ng mga teaching personnel sa pamamagitan ng contracts of service o job orders.
Layon ng ganitong sistema na tugunan ang pangangailangan sa lumalaking enrollment at kakulangan ng regular teaching items.
“Having no employer-employee relationship with the institutions that hired them, teachers on contracts of service or job orders experience exploitative and discriminatory compensation, benefits, and working conditions,” paliwanag ng mga kongresista.
Binigyang-diin pa sa panukala na kahit magkapareho ng kwalipikasyon sa regularly-employed counterparts, ang mga guro na nakakontrata o job order ay tumatanggap ng mas mababang suweldo at hindi nabibigyan ng iba pang benepisyo.
“Locally-paid teachers earn as little as P5,000 a month, while university instructors on contracts of service or job orders typically earn around P8,500 a month,” paliwanag pa ng mga kongresista.
Idinagdag pa nila na hindi rin tumatanggap ng Personnel Economic Relief Allowance, Cost of Living Allowance, Representation and Transportation Allowance, mid-year bonus, productivity incentive, Christmas bonus at cash gifts ang mga hindi regular na guro.
Alinsunod sa panukala, sasaklawin nito ang lahat ng public schools sa kindergarten, elementary at secondary levels, gayundin sa public post-secondary education institutions, kabilang na ang State Universities and Colleges, Local Universities and Colleges at technical-vocational schools.
Kung maisasabatas ang panukala, ang sinumang government official o employee ang lalabag ay posibleng madismis sa serbisyo at makakansela ang eligibility, ipo-forfeit ang retirement benefits at madi-diskuwalipika sa reemployment sa government service.