PAGBAKLAS SA HANDS OFF OUR CHILDREN FB PAGE PINABUBUSISI SA KAMARA
Pinaiimbestigahan ni Duterte Youth Partylist Rep. Ducielle Marie Cardema sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pag-alis ng Facebook Philippines sa Hands Off Our Children page.
Sa kanyang House Resolution 1284, ipinaliwanag ni Cardema na ang HOOC ay grupo ng mga magulang ng kabataang estudyante na sinasabing na-recruit ng mga grupong konektado sa makakaliwang grupo.
Karamihan sa mga estudyante ay nawawala pa rin at hinihinalang kasama na ng mga rebeldeng grupo sa pananatili sa mga kabundukan.
“The Hands Off Our Children members are not trolls but a real group of Filipinos whose clear advocacy is to call for the return of their children whom they have not seen for long periods of time even during their birthdays and Christmas season,” pahayag ni Cardema sa kanyang resolusyon.
Ipinaliwanag ng kongresista na ginagamit ng mga magulang na miyembro ng grupo ang kanilang social media accounts upang ihayag ang kanilang saloobin at ang kanilang mga adbokasiya.
Binigyang-diin ni Cardema na hindi lamang ito para sa inaasam na pagbabalik ng kanilang mga anak kung hindi upang ipatigil ang patuloy na recruitment sa iba pang kabataang estudyante sa komunistang grupo.
“With this act, the Facebook Philippines censured the voices of grieving Filipino Parents whose only advocacy is to protect Filipino children and for the return of their own children to their families’ case and loving embrace,” pahayag pa ng mambabatas.
Ipinaalala pa ni Cardema na tungkulin ng mga mambabatas na maging boses ng mamamayan sa panahon ng kagipitan.