PAGBABAWAS NG WORKLOAD NG MGA GURO SUPORTADO NG MAMBABATAS
SUPORTADO ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ang hakbang ng Department of Education na bawasan ang workload ng mga guro sa public schools.
Ayon kay Nograles, chairman ng House Committee on Labor and Employment, magandang regalo ito sa mga guro sa pagdiriwang ng National Teachers’ Month ngayong Setyembre.
Sa derektiba ni Education Secretary at Vice President Sara Duterte-Carpio, binibigyan ng 30-day break ang mga guro matapos ang school year o calendar, habang ibinaba sa 11 mula sa 56 ang administrative tasks.
Umaasa si Nograles na ipagpapatuloy ng DepEd ang pagsusulong ng mga hakbangin para sa kapakanan ng guro, lalo na ang pagbabawas ng mga ipinapasa sa kanilang mga responsabilidad.
Bukod sa 30-day break at pagbabawas ng workload, ilulunsad na rin ng DepEd ang website na tutulong sa mga guro na magkakaproblema sa financial loan contract o loan shark.
Kasabay nito, hinimok din ng kongresista ang ilang lawyers’ groups na magkaloob ng financial education at legal assistance sa mga guro na nabibiktima ng loan sharks.