Nation

PAGBABAWAL SA ‘NO PERMIT, NO EXAM’ LUSOT NA SA HOUSE PANEL

INAPRUBAHAN na ng House Committee on Higher and Technical Education ang panukala na nagbabawal sa ‘no permit, no exam’ policy sa mga pribadong unibersidad at kolehiyo.

/ 20 September 2022

INAPRUBAHAN na ng House Committee on Higher and Technical Education ang panukala na nagbabawal sa ‘no permit, no exam’ policy sa mga pribadong unibersidad at kolehiyo.

Sa pagdinig, sinabi ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na layon ng panukala na matulungan ang mga estudyante na problemado tuwing nalalapit na ang araw ng pagsusulit dahil hindi pa nakababayad ng matrikula.

“Kapag papalapit na ‘yung exam period sa ating mga paaralan kaysa makapag-focus ‘yung ating estudyante sa kung paano sila makakapaghanda, makakapag-aral ay puwede pa silang maapektuhan both mentally and economically kapag naghahabol para makabayad sa kanilang school fees,” pahayag ni Manuel.

Sinabi ni Manuel na kinikilala ng kanyang panukala ang karapatan ng mga paaralan na makasingil pero sa halip na pagbawalan ang estudyante na makapag-exam ay maaaring hawakan na lamang ng mga ito ang clearance o credential ng mga hindi pa nakakabayad.

Inihayag naman ng chairman ng komite na si Baguio City Rep. Mark Go na pabor ito sa panukala subalit nagpahayag ng pagnanais na gawing positibo ang pagkakabalangkas sa panukala.

Sa rekomendasyon ni Go ay ibabasura ang pagbabawal na makapag-exam subalit maaaring ipitin ang credentials ng estudyanteng hindi makakabayad ng obligasyon.

Pumayag naman si Manuel na amyendahan ang kanyang panukala.