Nation

PAGBABAWAL SA CHILD MARRIAGE APRUB NA SA KAMARA

/ 7 September 2021

INAPRUBAHAN na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na nagbabawal sa child marriage sa bansa.

Sa botong 196-0-2, lusot na ang House Bill 9943 o ang An Act Prohibiting The Practice Of Child Marriage And Imposing Penalties For Violations Thereof.

Sa kanyang manifestation of vote, sinabi ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na malinaw nang naitalaga ang mga panganib na idinudulot ng child, early and forced marriage na nananatiling traditional o customary practice sa ilang bahagi ng bansa.

“Palaging sinasabi sa kabataab, iyan na ang nakagawian at wala na tayong magagawa, ngunit hahayaan ba natin ang CEFM na magpatuloy kung alam at nasaksihan na natin kung paano ito nakapapahamak lalo na sa mga bata?” sabi ni Elago.

Binigyang-diin ng kongresista na dahil sa CEFM, maraming babae, lalo na ang kabataan, ang nabibiktima ng pang-aabuso.

“It is an urgent and necessary fight to end abuse and violence against women and children. So it must be said over and over again because what we say is worth repeating: Dapat lamang na tuldukan na ang CEFM,” dagdag ni Elago.

Pangunahing layunin ng panukala na palawakin ang kaalaman ng publiko sa negatibong epekto ng child marriage.

Inilarawan sa panukala ang child marriage bilang formal marriage sa pagitan ng mga batang nasa edad 18 pababa o maging sa pagitan ng isang adult at isang bata na maikokonsidera ring forced marriage.

Idineklara rin sa panukala na ang pagsasagawa ng child marriage, solemnization ng child marriage, at ang pagsasama ng isang adult at bata nang hindi kasal ay labag sa batas o ipinagbabawal.

Batay sa panukala, ang sinumang nagsulong ng child marriage ay mahaharap sa parusang prision mayor o hanggang anim na taong pagkabilanggo o multang aabot sa P40,000.