Nation

PAGBABALIK NG SCHOOL SUMMER BREAK SA MARSO PINAG-AARALAN NA

PINAG-AARALAN na ng gobyerno ang mga panukala na ibalik sa Marso ang simula ng summer break.

/ 25 April 2023

PINAG-AARALAN na ng gobyerno ang mga panukala na ibalik sa Marso ang simula ng summer break.

Gayunman ay sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kailangang ikonsidera ang pandemya at pagbabago ng klima.

Tinanong si Marcos kung pabor siya sa pagsasaayos ng school break kung isasaalang-alang ang init at pagod na naranasan kamakailan ng ilang estudyante.

“Pinag-aaralan nating mabuti iyan dahil nga maraming nagsasabi, tapos na ang lockdown, karamihan ng eskuwela ay face-to-face na. Kakaunti na ang hindi na,” ani Marcos.

Nabanggit niya na tumaas ang kaso ng Covid19 kamakailan, habang ang kondisyon ng panahon ay pabago-bago.

“Since hindi na tayo naka-lockdown, ibalik na natin siguro dati but kung kailan kasi ang gagawin ang actual na semester, kailan mag-uumpisa ang bakasyon ay hindi pa nade-decide dahil mayroon pa rin tayong mga cases na nakikita natin na [yung] COVID umaakyat na naman ‘yung replication rate, umaakyat naman,” sinabi ng Pangulo.

“Binabagay natin iyan sa seasons, iyon ang naging problema kung ibabalik o hindi, dahil hindi masabi kung kailan mag-uumpisa ang ulan, kailan magiging mainit,” pagpapatuloy niya.

“’Yung global warming, climate change hindi na talaga biro. Kailangan nating gawin ang lahat para mabawasan ang epekto ng climate change para sa atin sa Pilipinas at sa buong mundo.”