Nation

PAGBABAKUNA SA MINORS SA CALOOCAN UMARANGKADA NA

/ 24 October 2021

SINIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Caloocan ang pagbabakuna sa mga kabataang may edad 12 hanggang 17  na may comorbidities.

Personal na ininspeksiyon si Mayor Oca Malapitan ang pagbabakuna sa Caloocan City Medical Center  at Caloocan City North Medical Center sa nasabing age group kung saan 200 slots ang inilaan.

Unang nabakunahan si Dan Alfred Garcia, 17, Grade 12 student, at anak ng mag-asawang mamamahayag.

Kasama ang magulang o guardian, ang bawat binabakunahan ay tinitiyak na sumasailalim sa registration, screening, counselling, vaccination at monitoring.

Pinayagan din ang walk-in hanggang alas-2 ng hapon basta siguraduhin lamang na kumpleto ang requirements.

Para sa mga magulang ng mga kabataang babakunahan, siguraduhing kumpleto ang mga sumusunod na dokumento: 1. Medical certificate ng babakunahan 2. Dokumentong magpapatunay ng relasyon ng magulang/guardian at ng babakunahan tulad ng birth certificate; 3. Valid ID ng babakunahan at ng magulang o guardian.

Patuloy namang hinihikayat ni Mayor Oca ang mga magulang o guardian na pabakunahan ang mga anak na kabilang sa Pediatric A3 upang magkaroon ng mabisang proteksiyon laban sa malalang epekto ng Covid19.

“Sa mga magulang at guardian na kasama natin ngayong araw, maraming salamat sa pagtitiwala sa bakuna. Sa ibang magulang na may agam-agam pa, makinig po tayo sa mga doktor at eksperto nang sa gayon ay matapos na ang pandemyang ito. Ang bakuna po ay ligtas at napatunayang mabisa laban sa sakit na ito,” pahayag ng punong-lungsod.