PAGBABAKUNA SA MGA GURO SA F2F CLASSES GAWING MANDATORY – SENADOR
INALMAHAN ni Senadora Nancy Binay ang pahayag ng Department of Education na hindi kailangang bakunado ang guro na makikiisa sa pilot testing ng face-to-face classes sa 120 paaralan.
Sinabi ni Binay na sadyang nakababahala para sa mga magulang na payagan ang kanilang mga anak na makiisa sa pilot test kung hindi bakunado ang mga makakasalamuha nilang guro.
“Mababahala ako as a parent, siyempre kung gusto ko na magkaroon ng face-to-face isa doon sa proteksiyon for both the students and the teacher eh ‘yung pagkakaroon ng vaccine,” pahayag ni Binay.
“Dapat mandatory doon sa magpe-face-to-face. Unang-una, kaunti lang naman ‘tong pilot testing. Remember, pilot testing muna tayo. So I think kailangan talagang gawing protocol na mandatory na vaccinated ‘yung teachers natin na magiging bahagi ng pilot face-to-face,” dagdag ng senadora.
Nagtataka rin ang mambabatas kung bakit hindi agresibo ang DepEd sa paggiit na bigyang prayoridad din ang mga guro sa vaccination program.
“We, in fact asked DepEd kung ano na yung percentage ng nababakunahan sa mga teacher and sad to say, they couldn’t give us a number and kaya nga I raised an issue na parang bakit parang wala tayong naririnig from DepEd na talagang ipinaglalaban nila yung mga teachers natin to avail of the vaccine, or to make it available to them,” giit ni Binay.
“But more than that, I think our teachers deserve access to Covid19 vaccines kaya dapat ‘yung DepEd ipaglaban nila sa IATF na kumbaga, kasama sila sa doon sa priority na mabibigyan,” dagdag pa niya.
Muli ring iginiit ni Binay sa DepEd na ilabas na ang protocol sa isasagawang pilot testing ng face-to-face classes.