Nation

PAGBABAKUNA SA KABATAAN TARGET SIMULAN SA 4TH QUARTER

/ 17 June 2021

KINUMPIRMA ni vaccination czar Carlito Galvez na target nilang simulan ang pagbabakuna sa mga kabataan sa 4th quarter ng taon.

Sa pagtatanong ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Galvez na sa kasalukuyan ay tuloy pa ang pag-aaral sa mga bakuna na maaaring ibigay sa mga kabataan.

Ipinaliwanag ng opisyal na sa ngayon ay kabilang sa pinag-aaralan ang paggamit ng Pfizer sa mga may edad 12 hanggang 15, Sinovac sa 3-anyos hanggang 17-anyos, at Moderna sa 12-anyos hanggang 17-anyos.

“Nakita po namin, sabi ng mga experts basta available ang vaccine puwede na tayo magbigay ng pediatric vaccines…Most likely mga 4th quarter na po ito,” pahayag ni Galvez.

Iginiit ni Revilla na ang pagbabakuna sa mga bata ay magsisilbing preparasyon sa pagbabalik ng face-to-face classes.

Sinabi naman ni Galvez na pinag-uusapan na rin ng Inter-Agency Task Force ang face-to-face classes.

“Alam po nating kailangan nating magbukas ng ating mga schools kaya napag-usapan din po ang pagbibigay

priority sa mga teachers na mabakunahan. Kapag nabakunahan na po ang mga guro at estudyante, we can easily open ang schools,” pagbibigay-diin ni Galvez.