PAGBABAKUNA SA KABATAAN BUBUHUSAN NG P25-B PONDO
KINUMPIRMA ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na aabot sa P25 bilyon ang pondong inaasahang gugugulin para sa pagbabakuna sa mga kabataang may edad 12 pataas.
Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, sinabi ni Dominguez na ang pagtaya ay inisyal pa lamang at dedepende pa rin sa bakunang irerekomenda para sa kabataan.
“It is just an estimate at this point in time because the health authorities might have another vaccine. This is a developing situation,” pahayag ni Dominguez.
Binigyang-diin din ng kalihim na dedepende rin sa rekomendasyon ng health sector ang sistema sa pagbabakuna sa teenagers.
Sinabi naman ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na posibleng simulan ang pagbabakuna sa kabataan laban sa Covid19 sa 4th quarter ng taon dahil sa inaasahang pagdating ng mga bakuna.
Sa presentasyon din ni Galvez, nasa pitong milyong indibidwal na ang nabakunahan mula March 1 hanggang June 14.
Kabilang dito ang 980,471 medical frontliners, 486,945 senior citizens, 429,301 person with comorbidities, at 7,067 essential workers na fully vaccinated o tumanggap na ng dalawang dose ng bakuna.